What's New

PPSA Highlights and Headlines
PAKIKIISA NG PPSA SA SELEBRASYON NG BUWAN NG WIKA 2022!

“Ang wika ay isang mabuting paraan at kasangkapan sa pagtuklas at paglikha, gayun na rin ang paglinang nang kahusayan at kagalingan ng taong tumatangkilik nito.” Ito ang makabuluhang mensahe ni JSSUPT LEONALYN O OLOAN, MPSA, Acting Director ng Philippine Public Safety Academy (PPSA) sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng selebrasyon ng Buwan ng Wika.

Sa temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha” malugod na nakiisa ang mga kadete at kawani ng PPSA sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa noong ika-26 hanggang ika-29 ng Agosto 2022.

Sa loob ng apat na araw ay nagsagawa ang PPSA ng iba’t ibang programa at aktibidad na naglalayong pasiglahin, linangin at paunlarin ang paggamit ng wikang Filipino at mga katutubong wika. Ito ay naayon sa pangkalahatang layunin katuwang ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mandato nitong nasasaad sa RA 7104, Section 14 (h) na nag-aatas sa KWF na “magsagawa sa mga antas na pambansa, rehiyonal, at lokal ng mga pagdinig pampubliko, kumperensiya, seminar, at iba pang mga pangkatang talakayan upang umalam at tumulong sa paglutas ng mga suliranin at mga isyung may kaugnayan sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at iba pang mga wika ng Pilipinas.”

Sinimulan ang programa sa isang parada at sayaw ng mga tilap ng PPSA SANDIGMANLAYA Class 2024 suot ang makukulay na kasuotan na kumakatawan sa walong pangunahing wika ng Pilipinas, ang Tagalog, Bikol, Ilokano, Hiligaynon, Kapampangan, Pangasinan, Waray at Cebuano. Ipinamalas din ng mga kadete ang kanilang angking talino, talento at pagkamalikhain sa iba’t ibang patimpalak gaya ng Deklamasyon, Dagliang Talumpati, Pagsulat ng Tula, Pagsulat ng Sanaysay, Paggawa ng Islogan, Paggawa ng Poster, Tagisan ng Talino, Labasang Litid o Debate at Malayang Pagbikas ng Tula na pawang umiikot sa nasabing tema.

Upang buhayin muli ang ganda ng kulturang Pilipino, buong siglang nakilahok ang mga kadete sa iba’t ibang Laro ng Lahi gaya ng Tumbang Preso, Patintero, Luksong-Tinik, Piko, Batohang Bola, Hilaan ng Lubid, Sungka, at Sack Race. Ang pagsasagawa ng mga nasabing palaro ay lubhang mahalaga upang mapanatili at maipasa pa ang ganitong yaman sa susunod na henerasyon.

Samantala, upang pukawin ang diwang makabansa ng bawat isa, ginanap din ang panonood ng dalawang pelikulang Pilipino na kapwa nagbibigay ng malalim na mensahe ukol sa pagmamahal sa bayan at katutubong lahi.

Napuno rin ng magara at magarbong kasuotan ang programa na sumasalamin sa makukulay na kultura ng ating bansa sa pagsasagawa ng kauna-unahang “Lam-ang at Mayumi ng Wikang Filipino 2022”. Buong-pusong naipamalas ng mga kalahok hindi lamang ang kanilang angking ganda at kisig kundi maging ang kanilang natatanging talino at talento.

Gaya ng sigla ng selebrasyon ng Buwan ng Wika, ang PPSA ay lubos ding nagagalak sa matagumpay na pag-abot ng hangarin ng programa na makapagbigay kintal ng tunay na diwa ng nasyonalismo at pagmamahal sa ating bansa. Nagdadambana rin ito ng pagkakabuklod-buklod ng bawat isa sa kabila ng pagkakaiba-iba sa ating kultura at wika.

Categories: Academics, PPSA

Leave a comment