Tungo sa Ibayong Pagyabong ng Filipino at mga Katutubong Wika
Ang bansang may sariling wika ay nangangahulugang ito’y malaya, kaya naman ang pagbabantayog ng wikang Filipino at mga katutubong wika ay isa sa mga obligasyon na nagsisilbing pangunahing kahingian sa pagpapanatiling buhay ng mga pamanang wika, kultura, at kamalayan ng mga Pilipino.
Ngayong Buwan ng Agosto, itinatampok sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ang temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.” Kaisa ang PPSA sa pagkilala sa hindi matatawarang halaga ng selebrasyong ito. Kasabay ng pag-oobserba ng tradisyonal na Pagtaas sa Bandila ng Pilipinas ay ang paglunsad ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa pangunguna ng Punong Direktor, JSSUPT LEONALYN O OLOAN. Sa kanyang mensahe, hinimok ng Punong Direktor na mas lalong paigtingin ang kamalayan at sensibilidad ng mga kadete sa pagtangkilik sa wikang Pambansa, sapagka’t higit sa pagsisilbing instrument sa pakikipagkomunikasyon, ito’y mistulang dagta na nagbubuklod sa mga Pilipino sa iba’t ibang lupalop ng bansa.
Bahagi rin ng palatuntunan ang paglalahad ng mensahe ng nakatalagang Kadeteng Tagapagsalita na si CDT 3C Bonie John L Lasdosce. “Pagmamalasakit”, isa sa mga natatangi at likas na katangian ng mga Pilipino, ay siyang naging aral ng kanyang naging pahayag. Aniya, ang pagpapadama ng malasakit sa kapwa ay siyang pinag-uugatan ng mas makabuluhan at malalim na pagseserbisyo sa bayan.
Ngayong Buwan ng Wika, mananatili ang PPSA bilang isang institusyong taas-noong itinataguyod ang Wikang Filipino, na siya ring kumakatawan sa pinakamahuhusay na tradisyon ng pagseserbisyo. Patuloy nitong dadalhin ang mga batayan ng pagkataong hinubog ng dangal na lalo pang pinabuti ng pagmamalasakit sa kapwa. Bagama’t pa-usbong pa lamang, ang akademyang ito ay mananatiling tapat sa tungkulin nitong magsanay ng mga lider na ang ultimong layunin ay mapagsilbihan ang bansa, at higit sa lahat, ang mga Pilipino.